Sa kanyang pagbibigay ng parangal para sa kapareho niyang dalubhasa na si Hendrik A. Lorentz, hindi na binanggit pa ni Albert Einstein ang naging alitan nila. Sa halip, binigyang-diin niya ang pagiging mahinahon at patas ni Lorentz. Sinabi ni Einstien, “Sinusunod siya ng marami, dahil hindi siya dominante at nais niya laging makatulong.”
Hinikayat naman ni Lorentz ang iba pang mga dalubhasa upang isantabi ang pagkakaiba sa politika at magsama-sama upang tumuklas pa ng mga kapaki-pakinabang na mga bagay. Sinabi pa ni Einstein, “Inilaan ni Lorentz ang kanyang sarili sa gawain ng pakikipagkasundo.”
Ang pagsisikap para magkasundo ang dapat maging layunin ng bawat sumasampalataya kay Jesus. Totoo na hindi natin maiiwasan ang magtalo. Pero kailangang gawin natin ang ating bahagi sa pamamagitan ng mapayapang pakikipagkasundo. Sinabi ni Apostol Pablo, “Huwag n’yong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo” (Efeso 4:26). Upang makapamuhay nang may pagkakasundo, ipinayo ni Pablo, “Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig” (Tal. 29).
Sinabi pa ni Pablo, “Alisin n’yo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin... At magpatawad kayo sa isa’t isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo” (Tal. 31-32). Umiwas tayo sa anumang pagtatalo sa abot ng ating makakaya. Sa gayon, napapupurihan natin ang Dios.