“Magbabakasyon tayo!” Ito ang masayang sinabi ng asawa ko sa tatlong taong gulang naming apo na si Austin. Sagot naman ni Austin, “Hindi ako magbabakasyon. Pupunta ako sa isang misyon!”
Hindi namin alam kung saan nalaman ng apo namin ang tungkol sa pagmimisyon. Pero napaisip ako sa sinabi niya. Nasa isip ko pa rin ba na ako’y nasa isang misyon na mamuhay para sa Dios sa bawat sandali? Isinasa-puso ko ba na Siya ang pinaglilingkuran ko sa lahat ng aking ginagawa?
Hinikayat naman ni Apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus sa Roma. Sinabi niya sa kanila, “huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon” (Roma 12:11). Sinabi ito ni Apostol Pablo para paalalahanan tayo na mamuhay nang makabuluhan para kay Jesus. Kahit ang mga pinaka ordinaryong pangyayari sa buhay natin ay nagkakaroon ng kabuluhan kung ginagawa natin ang mga ito para sa Dios.
Habang nasa eroplano na kami papunta sa aming bakasyon, nanalangin ako, “Panginoon, sa Inyo po ang buhay ko. Kung ano man po ang inilaan N’yo sa akin o nais N’yo na gawin ko sa bakasyon na ito, tulungan N’yo po ako na huwag itong makaligtaan.” Isang makabuluhang misyon ang bawat araw dahil namumuhay tayo para sa Kanya!