May isang matandang beteranong sundalo ang matapang at matalim magsalita. Minsan, tinanong siya ng kanyang kaibigan tungkol sa kanyang paniniwalang espirituwal. Kaagad siyang sumagot, “Wala namang puwang ang Dios para sa katulad ko.”
Marahil ang sagot niya ay bahagi lamang ng kanyang ipinakikitang katauhan bilang tigasin at may katapangan, ngunit hindi rin naman ito nalalayo sa katotohanan. Ang Dios ay nagbibigay puwang para sa mga makasalanan at nag-iisa. Ipinakita ito ni Jesus noong pinili Niya ang Kanyang mga alagad. Una, isinama niya upang maging alagad ang mga mangingisda na mula sa Galilea. Isinama Niya rin si Mateo na isang maniningil ng buwis na nangingikil sa kapwa. Pinili rin Niya si Simon na isang rebolusyonaryo (Marcos 3:18).
Wala tayong masyadong alam tungkol kay Simon ngunit nalalaman natin ang tungkol sa mga Makabayan. Galit sila sa mga traydor na katulad ni Mateo, na naging mayaman dahil sa pakikipagtulungan sa mga Romano. Dahil sa kahabagan at kabanalan ni Jesus, pinili Niya si Simon at Mateo kahit na sila’y makasalanan, pinagsama sila at iniugnay sa ibang mga alagad.
Tanging ang Dios lamang ang makakapagsabi kung sino sa atin ang mga makasalanan. Sinabi ni Jesus, “Hindi Ako naparito upang tawagin ang mga matuwid. Ako ay naparito upang tawagin ang mga makasalanan sa pagsisisi” (Lucas 5:32). Ang Dios ay may puwang sa mga katulad ko at kagaya mo.