Isa sa tradisyon sa pagdiriwang ng kasalan sa bansang Russia ay ang pagtataas ng baso na may lamang inumin para sa bagong kasal. Lahat ng bisita ay iinom sa kanilang mga itinaas na baso at sisigaw ng “Gor’ko! Gor’ko!” na ang ibig sabihin ay ‘mapait’. Kapag sumigaw na ang mga bisita ng ganito ay tatayo ang bagong kasal at maghahalikan upang gawing matamis muli ang kanilang mapait na inumin.
Ipinahayag naman ni Propeta Isaias na ang mapait na pagkawasak sa mundo ang magbibigay-daan sa isang matamis na pag-asa ng bagong langit at bagong lupa (Isaias 24-25). Maghahanda ang Panginoon ng isang piging para sa lahat.
Ito ay isang piging ng walang ubos na mga biyaya at pagbibigay ng pangangailangan ng mga tao (25:6). Sa pamamagitan ng paghahari ng Dios, wala na ang kamandag ng kamatayan, ang mapapait na luha ay papawiin at maaalis ang kahihiyan (Tal. 7-8). Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayo’t magdiwang dahil iniligtas Niya tayo (Tal .9).
Darating ang araw na makakasama natin si Jesus sa piging na hinanda Niya, sa panahong iyon ay matutupad ang Kanyang pangako na nakasaad sa Isaias 25. Ang buhay na minsan nang naging mapait ay magiging matamis na muli.