Minsan, naimbitahan kaming mga grupo ng mga kabataan sa isang lugar kung saan pinatitira ang mga taong walang matirhan. Tutulong kami roon sa pag-uuri ng mga tumpok na sapatos para ibigay sa iba. Maghapon naming hinanap ang kabiyak ng bawat sapatos at natapos ang araw na iyon na higit sa kalahating tumpok ng mga sapatos ang aming tinapon. Sira na kasi ito at wala nang kaparehas. Hindi na ito maaaring ibigay sa iba dahil hindi na nila ito magagamit pa.
Naranasan naman ng mga Israelita na magbigay o maghandog ng mga may kapansanang hayop sa Dios. Hindi kinalugdan ng Dios ang mga Israelita dahil sa kanilang ginawa. Mayroon naman kasing mga maayos na hayop na maaaring ihandog (Malakias 1:6-8).
Kaya naman, sinabi ng Dios ang Kanyang pagkadismaya (Tal.10), at pinagsabihan Niya ang mga Israelitang naghandog ng hindi pinakamahusay (Tal. 14). Gayon pa man, ipinangako rin ng Panginoon na magpapadala siya ng isang Tagapagligtas. Ang pagmamahal at biyaya ng tagapagligtas na ito ang magbabago sa mga puso ng mga Israelita upang makapaghandog ng kalugodlugod sa Dios (3:1-4).
Madalas natutukso tayo na maghandog ng tira-tira lang para sa Panginoon. Pinupuri natin Siya at umaasa tayo na ibibigay Niya ang lahat, ngunit ang handog natin sa Kanya ay hindi ang pinakamahusay. Kung iisipin natin ang mga ginawa ng Dios, papahalagahan natin ang Kanyang ginawa at maibibigay natin sa Kanya ang pinakamahusay.