Nakita ni Jen, empleyado ng isang parke, si Ralph, na umiiyak. Agad na lumapit si Jen sa bata upang tulungan ito. Mayroong kondisyong autism si Ralph. Umiiyak siya dahil nasira ang pasilidad na nais niyang sakyan. Ngunit imbes na madaliin na tumayo at patahanin ang bata. Naupo sa tabi ni Ralph si Jen. Binigyan ng panahon ni Jen si Ralph na umiyak at ilabas ang nararamdaman nito.
Isang magandang halimbawa ang ginawa ni Jen, kung paano natin lalapitan ang mga taong nagdadalamhati at nakakaranas ng hirap sa buhay. Tinukoy naman sa Biblia, ang tungkol sa mga paghihirap ni Job. Ang pagkawala ng kanyang bahay, ari-arian, pagkakaroon ng karamdaman at pagkamatay ng kanyang sampung anak.
Nang mabalitaan ng mga kaibigan ni Job ang nangyari sa kanya, “nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay” (Job 2:11). Nakaupo si Job sa lupa, dahil sa pagdadalamhati. Nang dumating sila, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job (T. 13).
Sa loob ng pitong araw, ipinagkaloob ng mga kaibigan ni Job sa kanya ang katahimikan at ang kanilang presensya. Maaaring hindi natin naiintindihan ang pagdadalamhati ng bawat isa. Dahil hindi naman natin kailangang maintindihan pa ito upang mahalin sila. Sapat nang nasa tabi at sinasamahan natin sila.