“Walang nakarinig sa Kanyang pagdating, ngunit sa mundong puno ng kasalanan, kung saan matatanggap pa rin natin Siya, ang mahal na Cristo.” Linya ito sa kantang isinulat ni Phillip Brooks na “O Little Town Of Bethelem.” Tumutukoy ang kanta sa pinakasentro ng Pasko. Ang pagdating ni Jesus sa mundo, upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan at bigyan ang sinumang magtiwala sa Kanya ng bagong relasyon sa Dios.
Makalipas ang sampung taon ng isinulat ni Brooks ang kanta. Sumulat siya sa isang kaibigan. Inilarawan niya ang naging epekto ng pagkakaroon ng relasyon sa Dios sa kanyang buhay. “Hindi ko masabi sa iyo kung gaano kapersonal ang naging pagbabago ko. Ngunit narito Siya. Kilala Niya ako at kilala ko rin Siya. Ito ang pinakatotoo sa mundo, at mas nagiging mas totoo pa araw-araw. Mamamangha na lang tayo na lumalago pa ito sa pagdaan ng panahon.”
Ang kasiguraduhan ni Brooks sa presensya ng Dios sa kanyang buhay ay nagpapakita ng isa sa mga pangalan ni Jesus sa propesiya ni Isaias: “Magbubuntis ang isang birhen, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel” (Isaias 7:14). Makikita naman sa ebanghelyo ni Mateo ang ibig sabihin ng pangalang Emmanuel: “Kasama natin ang Dios” (1:23).
Napalapit tayo sa Dios sa pamamagitan ni Jesus upang makilala natin Siya ng personal at kasama Siya magpakailanman. Ang mapagmahal na presensya ng Dios sa atin ang pinakamahalagang regalo sa lahat.