“Amang nasa sa langit, hindi po ako pala-dasal na tao. Pero kung nasa taas po kayo at naririnig ako, ituro po Ninyo sa akin ang daan. Hindi ko na po alam ang aking gagawin.” Panalangin ito ni George Bailey ang karakter na ginagampanan ni Jimmy Stewart sa pelikulang “It’s a Wonderful Life.” Isang taong nabigo at hindi na alam ang gagawin sa buhay. Sa sikat na tagpong iyon, umiiyak si George na hindi naman kasama sa script.
Sinabi ni Jimmy na noong nananalangin siya “naramdaman niya ang kalungkutan ng pag-iisa ng kanyang karakter, at ang kawalan ng pag-asa ng mga taong walang nang malapitan.” Naantig siya.
Sa madaling salita, ang panalangin ni Bailey ay paraan niya ng paghingi ng tulong. Ganito mismo ang nilalaman ng Salmo 109. Dahil hindi na rin alam ni David ang kanyang gagawin, siya ay “dukha at nangangailangan,” ang kanyang “damdamin ay nasasaktan” (T. 22) at “payat na payat na” (T. 24). Nawawala siyang “parang anino na nawawala pagsapit ng gabi” (T. 23), at “kinukutya” siya ng kanyang mga kaaway (T. 25). Sa pagkabigo ni David, wala na siyang malapitan. Umiiyak siyang nanalangin sa Makapangyarihang Dios na ipakita sa kanya ang daan: “Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios” (T. 26 AB).
Mayroong pagkakataon sa ating buhay na makakaranas tayo ng “pagkabigo.” Sa ganitong panahon maaaring mahirapan tayo kung ano ang ating ipapanalangin. Ngunit ang mapagmahal nating Dios ay laging tumutugon sa ating simpleng panalangin ng pahingi ng tulong.