Sa muling paglalaro ng quarterback ng Philadelphia Eagle’s na si Carson Wentz galing sa kanyang pagkaka-aksidente, masayahang bumalik sa upuan ang reserbang atleta na si Nick Foles. Dahil kahit na magkalaban sila sa posisyon ng pagiging quarterback, pinili pa rin ng dalawa na suportahan ang isa’t-isa. Panatag kasi sila sa kanilang mga ginagampanan sa koponan.
Napansin naman ng isang mamamahayag na “mayroong magandang samahan na nakaugat sa kanilang pagtitiwala sa Panginoong Jesus ang ipinapakita ng dalawa dahil sa patuloy nilang ipinagdadasal ang isa’t-isa.”
Ipinaalala naman ni Apostol Pablo sa mga nagtitiwala sa Dios na mamuhay tayong tulad ng “mga anak ng liwanag” (1 Tesalonica 5:5-6 ABAB). Dahil sa sigurado na tayo sa kaligtasang ipinagkaloob ni Cristo sa atin, maaari na nating ipagkibit-balikat na lamang ang tukso na makipagkompetensya sa iba, sa selos, kawalan ng tiwala sa sarili, takot, o pagkainggit. Sa halip, “patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isa’t isa (T. 11). Igalang natin ang mga lider na pinaparangalan ang Dios at “namumuhay ng payapa” nang sa gayon, sama-sama nating makamit ang ating layunin – ang ipaabot sa tao ang Salita ng Dios at anyayahan silang magtiwala kay Jesus (T. 12-15).
Sa paglilingkod natin sa iisang koponan, maaari nating sundin ang payo ni Apostol Pablo: “Lagi kayong magalak, laging manalangin, at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus” (T. 16-18).