Naging pinuno si Octavian ng rehiyon ng Roma at tumayong emperador nito dahil sa pagkapanalo niya sa mga labanan. Ngunit noong 27 BC, ipinaalam ni Octavian sa kapulungan ng Senado ang kanyang pagbaba at pagbabaubaya sa pamumuno ng empiryo at nanumpa bilang isang opisyal na lamang. Ngunit pinarangalan pa rin si Octavian at binansagang lingkod ng empiryong Romano. Pinangalan din siyang Augustus na ang ibig sabihin ay “nag-iisang dakila.”
Ganito rin ang isinulat ni apostol Pablo tungkol kay Jesus, na nagpakababa at nagsilbi bilang isang lingkod. Ganito rin nga ba ang ginawa ni Augustus? Hindi. Dahil ginawa lamang ni Augustus na ipaubaya ang kanyang kapangyarihan sa pamumuno para sa sarili niyang kapakanan. Habang si Jesus naman ay “nagpakumbaba Siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus” (Filipos 2:8). Dahil para sa mga Romano ang pagkamatay sa krus ay isang kahihiyan.
Sa panahon ngayon, ang kababaang-loob ni Jesus ang pangunahing dahilan kung bakit pinupuri natin ang mga lingkod ng Dios na hindi katangian ng mga Griyego at Romano. Ito ang kaibahan ng Panginoong Jesus dahil namatay Siya sa krus para sa atin, Siya ang tunay na Lingkod. Siya ang tunay na Tagapagligtas.
Naging lingkod ang Dios para lamang mailigtas tayo. “Ibinaba Niya nang lubusan ang sarili Niya sa pamamagitan ng pagaanyong alipin” (T. 7) upang makatanggap tayo ng tunay na dakila– ang kaloob na kaligtasan at buhay na walang hanggan.