Isang gabi nasa London ako para dumalo sa isang pagtitipon. Huli na ako, kaya naman nagmadali ako. Diretso, liko tapos bigla akong napatigil dahil sa mga dekorasyong anghel sa kahabaan ng Regent Street, ang kanilang nagliliwanag na mga pakpak ang pumupuno sa daan. Gawa sa makinang na mga ilaw ito na yata ang pinakamagandang dekorasyon na nakita ko. Hindi lang naman ako ang namangha daan-daang mga tao ang nakalinya sa daan, nakatingala at namamangha.
Nakapalibot sa salitang mamangha ang kwento ng Pasko. Noong binisita ng anghel si Maria upang ibalita na siya ay magdadalang-tao (Lucas 1:26-38), at ganoon din noong ibalita sa mga pastol ang kapanganakan ni Jesus (2:8-20). Sa dalawang pangyayari naramdaman ng mga tauhan ang takot, pagtataka at pagkamangha. Sa pagtingin ko sa mga tao sa Regent Street, naisip ko kung ganito rin ang naramdaman nila noong makita nila ang mga anghel.
Ilang sandali pa sa aking pagkamangha napansin ko na nakataaas ang mga kamay ng mga anghel na para bang mayroon din silang tinitingnan sa taas. Tulad ng pag-awit ng mga anghel tuwing aalahanin nila si Jesus (T. 13-14), para ring natigil ang mga anghel dahil sa pagkamangha sa kanilang pagtingin sa Kanya.
“Sa Kanya makikita ang nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din Siya” (Hebreo 1:3). Ang nagliliwanag at nagniningning na si Jesus ang pinagtutuunan ng pansin ng mga anghel (T. 6). Kung namangha at napatigil ang maraming tao ng London sa pagtingin sa mga dekorasyong anghel, paano pa kaya tayo kapag nakita na natin ang Dios ng harapan.