Diyes, bente-singko, piso, lima, sampu at iba pang barya. Makikita ang mga ito sa tabi ng kama ng isang matanda. Inilalagay niya ang lahat ng barya mula sa kanyang bulsa sa tabi ng kama, dahil alam niyang darating ang kanyang mga apo. Sa pagtagal ng panahon, natutunan na ng mga bata na magpunta sa tabi ng kama sa tuwing dumadating sila. Kung tutuuisin, pwede sanang ialkansya o ilagay sa bangko ng matanda ang mga barya. Pero hindi niya ito ginawa. Masaya kasi siyang iniiwan ang mga barya, para sa kanyang mga apo. Ang mahalagang bisita sa kanyang bahay.
Ipinakita sa Leviticus 23 ang katulad na pag-iisip na ito, sa pag-aani. Sinabi ng Dios sa mga tao, sa pamamagitan ni Moises, ang ganito: “huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan” (Tal. 22).
Sa totoo lang, ang nais ng Dios ay “magiwan kayo ng kaunti.” Ang kautusang ito ay upang ipaalala sa tao na ang Dios ang nasa likod ng kung bakit meron silang aanihin. At ginawa Niyang kasangkapan ang Kanyang mamamayan upang magbigay para sa mga taong wala o dayuhan.
Ang ganitong pag-iisip ay hindi pamantayan dito sa mundo. Pero ito ang pag-iisip na magpapakilala sa mga anak ng Dios na nagpapasalamat. Sapagkat natutuwa ang Dios sa mapagbigay na puso.