Tuwing Pasko naglalagay kami ng iba’t-ibang uri ng sabsaban na galing sa iba’t-ibang bansa. Meron kaming sabsabang galing sa Germany na hugis tatsulok na parang pyramid, isang yari sa olibo na galing pa sa Betlehem, at makulay na sabsaban na galing naman sa Mexico. Ngunit ang paborito ng aming pamilya ay ang galing sa Africa, dahil sa halip na mga tupa at kamelyo ang hayop na nakalagay sa sabsaban ay isang hippopotamus ang nakatingin sa sanggol na si Jesus.
Ang iba’t-ibang pagpapakita ng iba’t-ibang kultura sa kanilang sabsaban ang nagbigay ng kakaibang sigla sa akin habang tinitingnan ko isa-isa ang mga magagandang paalala na ang kapanganakan ni Jesus ay hindi lamang para sa iisang bansa o kultura, kundi para sa lahat ng tao sa mundo. Dahil isa itong magandang balita para magdiwang sila.
Ang maliit na sanggol na ipinapakita sa bawat sabsaban ang naghahayag ng kabutihan ng Dios sa mundo. Tulad ng isinulat ni apostol Juan tungkol kay Cristo na nakipag-usap sa isang Pariseo na si Nicodemus, “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Magandang balita para sa lahat ang pagdating ni Jesus. Dahil nasaan ka man sa mundo ang kapanganakan ni Jesus, ay simbolo ng pagmamahal at kapayapaang bigay ng Dios sa iyo. At ang nagtitiwala kay Cristo, “mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa” ay magdidiwang sa kadakilaan ng Dios magpakailanman (Pahayag 5:9)