Habang nakapila ako para kumuha ng almusal sa isang pagtitipon, napansin kong pumasok ang isang grupo ng mga kababaihan. Ngumiti ako at binati ang babaeng nasa likod ko sa pila. Sumagot siya, “Kilala kita.” Habang kumukuha ng pagkain, inalala namin kung saan kami nagkakilala. Pero sigurado akong hindi ako ang babaeng kilala niya.
Sa pagkuha naman ng tanghalian, tinanong niya ako muli, “Kulay puti ba ang sasakyan mo?” “Oo, dati.” Tumawa ang babae. “Sabay tayong humihinto malapit sa paaralan tuwing umaga. Nakikita kitang nakataas ang mga kamay habang umaawit ng buong puso. Naisip kong nagpupuri ka siguro sa Dios. Dahil dito, nais kong samahan ka, lalo na sa mga araw na nalulungkot ako.”
Sabay kaming nanalangin at nagpuri sa Dios. Niyakap ko siya at sabay kaming kumain.
Sinabi ng bago kong kaibigan na may mapapansing kakaiba sa isang taong nagtitiwala at nagpupuri sa Dios. Bahagi na ng buhay ng mga nagtitiwala sa Panginoon ang pagsamba sa Dios. Maaari tayong lumapit sa Kanya sa lahat ng panahon. Sinasariwa natin sa mga puso natin ang pag-ibig at katapatan Niya. Dahil dito, napapalapit tayo sa Dios at pinasasalamatan ang kabutihan Niya (Salmo 100). Nagpapakita tayo ng mabuting halimbawa sa iba para magpuri rin sila sa Dios. Ilan dito ay pag-awit ng papuri, pananalangin sa harap ng mga tao, at pagpapakita ng kabutihan sa iba (Tal. 4). Isang papuri at pagsamba ang buhay natin. Tunay na higit pa ito sa ginagawa natin sa simbahan tuwing Linggo.