Noong nagsisimula pa lang si Charles Simeon sa paglilingkod sa Dios, nakilala niya ang pastor na si Henry Venn at mga anak nito. Dinalaw nina Venn si Simeon. Napansin ng mga anak niya ang magaspang na ugali ni Simeon. Dahil dito, sinabi ni Venn sa mga anak niya na pumitas ng peras mula sa puno. Tinanong ng mga anak ang tatay nila kung bakit sila pumitas ng hilaw na prutas. Sabi ni Venn, “Mga anak, sa ngayon, hilaw pa ang peras. Pero dapat tayong maghintay. Kailangan nito ng kaunting init mula sa araw at ulan. Dahil dito, mahihinog at magiging matamis ang peras. Ganito rin ang mangyayari kay Simeon.”
Sa paglipas ng panahon, nagbago si Simeon sa tulong ng kagandahang-loob ng Dios. Ang araw-araw na pagbubulay sa Salita ng Dios at pananalangin ang naging dahilan ng malaking pagbabago ni Simeon. Sinabi pa nga ng isang kaibigan ni Simeon na, “Ito ang sikreto ng kanyang pagpapakita ng kagandahang-loob sa iba at ng matibay niyang pananampalataya.”
Katulad naman ni Simeon na laging dumudulog sa Dios, matapat din na nakikinig at nagtitiwala sa Dios si Propeta Jeremias. Umaasa si Jeremias sa pagbabagong gagawin ng Dios sa buhay niya. Sinabi niya, “Noong nagsalita Kayo sa akin, pinakinggan ko po Kayo. Ang mga Salita po Ninyo ay kagalakan ko; at ako’y Inyo, O Panginoong Dios na Makapangyarihan” (Jeremias 15:16).
Tulad ng pagbabago ng Dios sa isang hilaw na prutas, tutulungan Niya rin tayong mabago ang ating buhay. Mas malalaman natin ang kabutihan Niya kung susunod at magtitiwala tayo sa mga Salita Niya.