Kakasimula pa lang matutong lumangoy ng tatlong taong gulang na si Dylan McCoy pero isang aksidente na ang naganap. Nahulog siya sa apatnapung dipang balon ang lalim sa bakuran ng lolo niya. Nanatiling nakalutang si Dylan sa tubig hanggang dumating ang tatay niya para sagipin siya. Tumulong din ang mga bumbero para maligtas ang bata. Matinding pag-aalala ang nadama ng tatay ni Dylan kaya agad siyang bumaba sa balon para iligtas ang kanyang anak.
Sadyang napakadakila ng pagmamahal ng magulang para sa anak niya! Kaya naman, susuungin natin kahit anong lawak o lalim para mailigtas lang ang mga anak natin.
Sa Biblia naman, sumulat si Apostol Juan sa mga taong nagtitiwala sa Dios na nakakaranas ng pagsubok sa pananampalataya nila dahil sa ilang maling turo. “Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag Niya tayong mga anak Niya, at tunay nga na tayo’y mga anak Niya!” (1 Juan 3:1). Itinuring na tayo ng Dios na mga anak Niya. Dahil dito, mayroon tayong maayos na relasyon sa Kanya. Maaari tayong lumapit sa Dios sa anumang panahon.
Napakadakila rin ng pagmamahal ng Dios para sa mga anak Niya! Haharapin din ng Dios ang anumang bagay para sa mga anak Niya! Gagawin ng isang magulang ang kahit ano para sa anak niya tulad ng tatay ni Dylan na bumaba ng balon para sagipin siya. Ganito rin kadakila ang pagmamahal ng Dios sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang Anak na si Jesus para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan (Tal. 5- 6).