Tinatawag na “Taps” ang kanta sa saliw ng pagpapatunog ng trumpeta ng mga sundalong Amerikano. Tinutugtog nila ito kapag natapos na ang isang buong araw at maging sa oras ng paglilibing. Namangha ako nang mabasa ko ang ilang linya sa kantang ito. Karamihan kasi sa bahagi ng kanta ay nagtatapos sa katagang “Malapit ang Dios sa atin.” Sinasabi rin sa kanta na anumang mangyari sa ating buhay, sa hirap man o ginhawa, laging malapit ang Dios sa atin upang tulungan tayo.
Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, isang paalala sa mga Israelita ang pagtunog ng trumpeta. Nagpapaalala ito na malapit ang Dios sa kanila. Inutos ng Dios sa mga Israelita na patugtugin ang mga trumpeta sa tuwing magdiriwang sila ng pista (Bilang 10:10). Hindi lang din nagpapaalala ang tunog ng trumpeta na malapit ang Dios sa kanila. Ibig din sabihin nito, palaging nais at handa ang Dios na tulungan sila.
Sa panahon ngayon, kailangan din nating laging mapaalalahanan na malapit ang Dios. Maaari tayong tumawag sa Kanya sa pamamagitan ng mga panalangin at pag-awit. Nagsisilbing parang mga trumpeta ang mga panalangin natin dahil humihingi tayo ng tulong sa Dios.
Isang napakagandang pampalakas ng loob na malaman na laging nakikinig ang Dios sa mga taong tumatawag sa Kanya (1 Pedro 3:12 ). Sa bawat pagtawag natin sa Dios, makakaasa tayo na palalakasin Niya ang ating loob upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa ating buhay.