Agad na dumalangin sa Dios si Rebecca para magkaayos ang relasyon ng kanyang kapatid at ang asawa nito. Gayon pa man, naghiwalay ang mag-asawa. Kinuha ng hipag niya ang mga pamangkin niya at nanirahan sa ibang lugar. Hindi na muling nakita ni Rebecca ang mga mahal niyang pamangkin.

Makalipas ang ilang taon, sinabi ni Rebecca, “Dahil hinayaan kong kontrolin ako ng lungkot, namuo ang matinding sama ng loob sa puso ko. Naapektuhan nito pati pamilya at mga kaibigan ko.”

Sa Biblia naman, nakasaad ang kuwento ng buhay ni Naomi na nagkaroon ng sama ng loob sa Dios. Namatay ang asawa niya. Makalipas ang sampung taon, namatay naman ang dalawa niyang anak. Naiwan siya kasama ang dalawang manugang niyang sina Ruth at Orpa (1:3-5). Nang umuwi si Naomi kasama si Ruth sa bayan niya, lubos ang kagalakan ng mga tao sa pagbabalik niya. Pero sinabi ni Naomi sa kanila, “Huwag n’yo na akong tawaging Naomi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko” (Tal. 20 -21).

Nakararanas tayong lahat ng matinding kalungkutan sa buhay natin. Dahil dito, maaaring magkaroon tayo ng mga sama ng loob. Maaaring may sinabing hindi maganda sa atin, hindi natupad ang mga pangarap natin, o may taong nakasakit sa atin. Kapag inilapit natin sa Dios ang mga hinanakit natin, papawiin at tatanggalin Niya ang mga ito. Papalitan ng Dios ng kagalakan ang bawat sama ng loob na nadarama natin.