Matapos ang isang pagtitipon sa bahay ko, binuksan namin ang supot na naglalaman ng mga kendi at laruan. Pero may isang bagay pang aming kinagiliwan. May koronang papel para sa bawat isa. Sinuot namin ang mga ito. Umupo kami at nagtawanan. Sa maiksing sandali, tila naging mga hari at reyna kami at ang hapag-kainan ang nagsilbing kaharian namin.

Naalala ko ang isang pangako sa Biblia na madalas kong makalimutan. Maghahari tayong kasama ni Jesus sa kabilang buhay.

Sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 6 na “Hindi n’yo ba alam na sa mga huling araw tayong mga banal ang hahatol sa mga tao sa mundo?” (Tal. 2). Sinabi ito ni Pablo para magkaroon ng pagkakaayos ang mga tao. Nagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan ang mga tao at nakakaapekto ito sa samahan ng mga taong sumasampalataya sa Dios.

May mga hindi man pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tao, pero ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin para magpakita ng pagpipigil sa sarili, kahinahunan, at pagtitiis. Kapag dumating na muli si Jesus, magiging lubos ang pagkilos ng Espiritu sa atin (1 Juan 3:2-3). Sa muling pagbabalik ni Jesus, ang mga mananampalataya ay magiging “hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios. At maghahari sila sa mundo” (Pahayag 5:10). Hindi na rin koronang papel ang susuotin natin. Panghawakan natin ang magandang pangakong ito ng Dios na maghahari tayong suot ang mga koronang gintong ipagkakaloob Niya.