Matapos mabasag ni David ang bintana, natanggap niya ang unang pambubugbog sa kanya ng Tatay niya. Ikapitong taong kaarawan niya nang maganap iyon. “Sinipa at sinuntok niya ako. Pagkatapos naman ay humingi siya ng tawad. Isa siyang lasenggero. Paulit-ulit niya akong binubugbog. Ginawa ko ang lahat para matigil iyon.”
Pero matagal bago nakalaya si David mula sa hindi magandang karanasan na iyon. Palagi siyang nasa kulungan at rehabilitation center noong kabataan niya. Nang dumating na sa puntong tila nawalan na siya ng pag-asa sa buhay, nagtiwala siya sa Panginoon Jesus sa isang treatment center. Nagkaroon siya ng maayos na relasyon sa Dios.
“Punong-puno ng kalungkutan dati ang buhay ko,” sabi ni David. “Pero ngayon, nais ko nang magkaroon ng bagong direksyon ang buhay ko. Pagkagising ko sa umaga, agad akong nananalangin. Agad kong isinusuko sa Dios ang lahat ng gagawin kong desisyon sa buhay ko.”
Babaguhin ng Dios ang mga nasira at magulo nating buhay. Bibigyan Niya tayo ng bagong pagkatao at bagong pamumuhay. “Ang sinumang nakay Cristo... wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya (2 Corinto 5:17). Ang pag-ibig ng Dios ang siyang magbabago at papawi sa mga mapapait na karanasan sa buhay natin (Tal. 14 -15). At hindi ito matatapos dito. Patuloy tayong bibigyan ng pag-asa at kalakasan ng Dios habang nabubuhay tayo.