Ilang mga Amerikano lamang ang nakakakilala kay Alexander Hamilton. Pero naging tanyag siya noong taong 2015. Sumulat kasi ng isang kanta si Lin-Manuel Miranda sa sikat na palabas na Hamilton. Dahil doon, alam na alam ng halos lahat maging mga kabataang estudyante ang kuwento ni Hamilton. Kinakanta nila ang mga awitin mula sa palabas saan man sila magpunta.
Mahalaga ang mga awit. Alam ng Dios ang kapangyarihan ng awit. Kaya sinabi Niya kay Moises, “Isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila” (Deuteronomio 31:19). Alam ng Dios ang kakahantungan ng mga Israelita kapag namatay na si Moises at nakarating na sila sa ipinangakong lupain ng Dios. Malilimutan nila ang Dios at sasamba sila sa mga dios-diosan. Kaya, sinabi Niya kay Moises, “Ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi” (Tal. 21).
Mahirap makalimutan ang mga awit. Kaya, nararapat na maging maingat tayo sa mga awiting kakantahin natin. May mga kanta para sa kasiyahan. May mga kanta namang nagsasabi ng kabutihan ng Dios at pananampalataya natin sa Kanya. Isang paraan para mabigyang halaga ito ay “umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espirituwal. Buong puso tayong umawit at magpuri sa Panginoon” (Basahin ang Efeso 5:15-19).
Ipinakikita rin ng mga awit ang nilalaman ng ating puso. Inaalay ba natin ang mga sinasabi sa awitin para sa Dios? Umaawit ba tayo ng buong puso para sa Kanya? Tunay na may impluwensya ang mga awit sa ating buhay.