May naghagis ng isang malaking bato sa bintana ng kuwarto ng isang batang Israelita. Nakadikit sa bintana ang isang larawan ng bituin ni Haring David. Nakalagay din doon ang isang lagayan ng mga kandila na ginagamit sa templo na tinatawag na menorah. Ipinagdiriwang kasi noon ng mga Israelita ang Hanukkah, o ang Piyesta ng mga Ilaw.
Maraming mga kapitbahay ang nahabag sa nangyari sa bata. Nagpakita sila ng awa at habag sa pangyayari. Bilang pakikiisa sa tradisyon ng kapitbahay nilang Israelita, nagdikit din sila ng mga larawan ng menorah sa mga bintana nila.
Nakatanggap rin naman tayong mga nagtitiwala kay Jesus ng kahabagan at pagmamahal mula sa Dios. Nagpakumbaba ang Tagapagligtas nating si Jesus at namuhay kasama natin (Juan 1:14). Upang iligtas tayo, “kahit na nasa Kanya ang katangian ng Dios...ibinababa Niya nang lubusan ang sarili Niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin” (Filipos 2:6-7). Nadarama ni Jesus ang lahat ng nadarama natin. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus para iligtas tayo mula sa kaparusahan sa kasalanan.
Nalalaman ng Dios ang lahat ng pinagdaraanan natin. Kaya naman, kung may taong “bumato” sa atin, nariyan Siyang lagi para palakasin tayo. Sinasamahan Niya tayo sa mga kalungkutan natin. “Panginoon, kahit Kayo’y dakila sa lahat, nagmamalasakit Kayo sa mga aba ang kalagayan. At kahit nasa malayo Ka ay nakikilala Mo ang lahat ng mga hambog” (Salmo 138:6). Laging nariyan ang habag at awa Niya. Pasalamatan natin ang Dios sa Kanyang kahabagan at pagmamahal sa atin.