“Huwag kang dumaan sa expressway!” Ito ang natanggap kong text mula sa anak ko nang papaalis na ako ng opisina. Tila naging isang malaking paradahan ang buong highway. Matindi ang trapik sa lahat ng daan. Sinubukan kong maghanap ng ibang daan pero sumuko ako. Magiging mahaba ang biyahe ko pauwi kaya nagdesisyon na lang ako ng mag-iba ng daan at magtungo sa isang palaro kung saan kasali ang apo ko sa paaralan nila para magpalipas ng oras.
Sa pangyayaring iyon, naisip ko ang mga taong nagsasabi na lahat ng daan at paraan ay magreresulta sa walang hanggang relasyon sa Dios. Naniniwala ang iba na makakapunta sila sa langit sa pamamagitan ng kabaitan at mabubuting gawa nila. Naniniwala naman ang iba na dapat maging relihiyoso para makapunta sa langit.
Hahantong lamang sa kapahamakan ang mga daang ito. Isang natatanging daan lamang ang meron para makapunta sa Dios. Nilinaw ito ni Jesus nang sabihin Niya, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6). Ipinahayag ni Jesus na inialay Niya ang Kanyang sarili para magkaroon tayo ng daan para patungo sa Dios Ama.
Huwag nawa nating tahakin ang mga daan na magtutulak sa atin sa kapahamakan at maglalayo sa atin sa Dios. Sa halip, pagtiwalaan natin si Jesus na ating Tagapagligtas, “Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan” (3:36). At bilang mga iniligtas ng Dios, manatili at magtiwala tayo sa Kanya.