Ipinanganak si Saybie na napakaliit at kulang sa buwan. Isinilang siya sa edad na 23 linggo lamang. Sinabi ng mga doktor sa mga magulang ni Saybie na hindi magtatagal ang buhay niya. Pero patuloy na lumaban ang sanggol na si Saybie. May isang kulay rosas na papel ang makikitang nakadikit sa higaan niya. Nakasulat dito: “Maliit pero Malakas.” Makalipas ang limang buwan, nakalabas si Saybie sa ospital. Isa na siyang malusog at malaking sanggol. Hawak niya ang titulo na pinakamaliit at pinakabatang sanggol na nabuhay sa mundo.
Nakatutuwang marinig ang mga kuwento tungkol sa tagumpay. Marami ring ganitong kuwento sa Biblia. Isa na rito ang kuwento ni Haring David at ni Goliat.
Si David ay isang batang pastol na nagkusang-loob na lumaban sa higanteng sundalo na si Goliat. Inisip ni Haring Saul na tila nasisiraan ng ulo si David. Sinabi ni Saul, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siya’y mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata” (1 Samuel 17: 33). Hinamak ni Goliat ang batang si David nang makita niya ito (Tal. 42). Pero hindi nag-iisa si David sa laban na iyon. Kasama niya ang makapangyarihang Dios (Tal. 45). Natalo at napagtagumpayan ni David ang laban niya kay Goliat.
Kahit gaano pa man kalaki ang problemang ating kinakaharap, palagi nating tandaan na hindi tayo dapat matakot. Kasama natin ang makapangyarihang Dios na handang tumulong at pagmalasakitan tayo.