Mga tauhan sa kuwentong The Wonderful Wizard of Oz sina Dorothy, Scarecrow, Tin Man, at Cowardly Lion. Bumalik sila sa lugar ng Oz na dala ang walis ng salamangkero. Ipinangako sa kanila ng salamangkero na kapag naibalik nila sa kanya ang walis, ibibigay niya sa kanila ang pinaka-ninanais ng puso nila. Pero sinabi sa kanila ng salamangkero na bumalik na lamang sila kinabukasan.
Nagmakaawa sila sa salamangkero na ibigay ang nais nila. Pero nang mahila ng aso ni Dorothy ang kurtina, nalaman nila na hindi pala tunay na salamangkero ang taong kausap nila. Nagpapanggap lamang ito.
Marami ang naniniwala na ang may akda ng kuwentong ito na si L . Frank Baum ay hindi naniniwala sa Dios. Kaya ang nais niyang iparating na mensahe sa kuwento niya ay tayo lamang ang may kakayahang lumutas ng ating mga problema.
Sa aklat naman ng Pahayag, mababasa natin ang pagpapakilala ni Apostol Juan sa tunay na Makapangyarihan. Hindi lubos na mailarawan ni Juan ang nakita niya dahil kulang ang mga salita para mailarawan ang kadakilaan ng Dios. Pero malinaw ang mensahe, “nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo sa harap na parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal” (Pahayag 4:2,6). Marami man tayong dinaranas na mga problema pero laging nandiyan ang dakilang Dios para tulungan tayo. Pagkakalooban Niya tayo ng kapayapaan na nagmumula lamang sa Kanya.