Sa aklat niyang Breaking Down Walls, isinulat ni Glen Kehrein ang karanasan niya nang umakyat siya sa bubong ng dormitoryo nila nang mabaril ang aktibistang si Dr. Martin Luther King Jr. noong 1968. Sinabi ni Glen, “Dinig na dinig namin habang nasa loob ng malaking gusali ang mga putok ng baril. Nang umakyat na kami sa bubungan, nasaksihan namin ang nakakatakot na pangyayari. Paano ako napadpad sa magulong lugar na ito sa loob ng dalawang taon?”
Kahit ganito pa man ang pangyayari, patuloy na nanatili si Glen sa lugar na iyon. Tinanggap niya ang mga pangyayari sa buhay niya. Dahil sa pagmamahal niya sa Dios, nagtayo siya ng isang grupo na naglalayong tumulong at magbigay ng mga pangangailangan ng mga taong mula sa iba’t ibang lugar at kultura.
Sumasalamin ang buhay ni Glen sa magandang gawain ng mga taong nagtitiwala sa Dios. Ito ay ang pagtanggap at pagmamahal sa mga taong mula sa ibang lugar. Nakatulong ang mga turo ni Pablo sa mga taong nagtitiwala sa Dios sa Roma na magpakita ng pagtanggap sa lahat ng Judio at maging sa mga Hentil (Roma 15:8-12).
Pinapaalalahanan ang lahat ng taong nagtitiwala kay Cristo na tanggapin ang bawat isa (Tal. 7). Hindi nararapat na husgahan ang sinuman. Nais ng Dios na magkaroon tayo ng iisang puso at isip (Tal. 6). Humingi tayo ng tulong sa Dios para buong puso nating tanggapin ang lahat ng tao sa kabila ng mga pagkakaiba natin.