Malungkot na tinanggap nina Diane Dokko Kim at ng asawa niya ang katotohanang habambuhay nilang aalagaan ang may sakit nilang anak. Ayon sa mga doktor, may sakit na autism ang panganay nilang anak. Sa aklat niyang Unbroken Faith, isinulat ni Diane na nahihirapan silang tanggapin na hindi matutupad ang mga pangarap nila para sa kanilang anak.
Sa kabila ng kalungkutan, natutunan nilang mag-asawa na ipagkatiwala pa rin sa Dios ang mga galit, pangamba, at takot na nadarama nila. Ngayon, malaki na ang anak nila. Dahil dito, ginagamit ni Diane ang mga karanasan nila para magbigay ng kalakasan sa mga magulang na may mga anak na may ganito ring uri ng sakit. Palaging binabanggit ni Diane ang mga pangako, pagkilos, at katapatan ng Dios. Pinatutunayan niya na nauunawaan ng Dios kung nalulungkot tayo dahil sa mga kabiguan at iba pang pangyayari sa buhay natin.
Sa Biblia naman, binanggit ni Propeta Isaias na maaari nating pagkatiwalaan ang Dios, “dahil Siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman” (Tal. 4). Kaya Niyang magkaloob ng kapayapaan sa kahit anong sitwasyon (Tal. 12 ). Dahil sa katapatan ng Dios, maaari tayong lumapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon (Tal. 15).
Nais ng Dios na manampalataya tayo sa Kanya kahit ano pa man ang mga nararanasan natin. Kaya Niyang pawiin ang anumang pangamba at lungkot natin. Hindi Niya tayo iiwan. Palagi Niya tayong bibigyan ng pag-asa. Palalakasin ng Dios ang pananampalataya natin kahit tila susuko na tayo sa mga suliranin natin sa buhay.