“Alam ko kung saan nakatira ang Dios.” Ito ang sinabi ng apat na taong apo namin sa asawa kong si Cari. Tinanong naman siya ng asawa ko, “Saan?” Muling sumagot ang apo ko, “Nakatira po Siya sa kakahuyan malapit sa bahay mo.”
Nang mapag-usapan namin ni Cari ang tungkol sa pangyayaring iyon, napaisip siya kung bakit ganoon ang sinabi ng aming apo. Naalala ko naman ang tungkol doon. Minsan, kasi habang naglalakad kami ng apo ko sa kakahuyan, sinabi ko sa kanya na kahit hindi natin nakikita ang Dios, nakikita natin ang mga bagay na nilikha Niya. Sinabi ko pa sa apo na ang lahat ng nakikita nating mga hayop, puno at mga ilog ay nilikha ng Dios. Ito rin ang nagpapaalala na lagi nariyan ang Dios dahil sa Kanyang mga nilikha.
Ang manunulat din naman ng Salmo 104 ay nagpapahayag ng katotohanan tungkol sa mga likha ng Dios. “Kay dami ng Inyong mga ginawa, Panginoon. Nilikha N’yo ang lahat ayon sa Inyong karunungan. Ang buong mundo ay puno ng Inyong nilkha” (Tal. 24). Nararapat nating papurihan at pasalamatan ang Dios sa lahat ng magaganda at mabubuting likha ng kamay Niya. Patunay ang mga ito na palaging nariyan ang Dios.
Nagsimula at nagtapos ang Salmo 104 sa mga salitang “Pupurihin ko ang Panginoon” (Tal. 1,35). Sumasalamin ang lahat ng bagay sa mundo sa pagiging malikhain, makapangyarihan, at pagkilos ng Dios. Palagi nating kasama ang Dios dahil sa mga likha Niya. Papurihan nawa natin Siya sa dakilang gawa Niyang ito!