Sa loob ng mahabang panahon, nabuo ang isang pagkakaibigan sa pagitan ng isang mag-asawang Briton na naninirahan sa Kanlurang Aprika at sa isang lalaki na nagmula sa bayan kung saan sila nakatira. Ipinapahayag ng mag-asawa sa lalaki ang tungkol sa pag-ibig at kaligtasang mula kay Jesus. Naunawaan ng lalaki ang tungkol sa pag-ibig ng Dios pero nagdadalawang-isip siya na tanggapin ang katotohanan. Tapat ang lalaking ito sa relihiyong kinagisnan niya. Lider din siya ng relihiyong iyon. Natatakot siyang iwan ang nakagisnan niyang pananampalataya dahil mawawalan na siya ng kabuhayan at mapapahiya siya sa lugar nila.
Malungkot na sinabi niya sa mag-asawa, “Katulad ko ang isang taong nangingisda gamit ang mga kamay ko. Para makakuha ng malaking isda, dapat pakawalan ko ang maliit na isdang nasa mga kamay ko!”
Ganito rin ang problema ng mayamang batang lalaki sa Mateo 19. Nang tanungin niya si Jesus, “Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” (Tal. 16). Taos-puso ang tanong niya. Pero hindi buo ang loob ng mayamang lalaki na sumunod kay Jesus. Hindi lamang siya mayaman sa salapi kundi mayaman din ang puso niya sa pagiging mapagmalaki. Nais ng mayamang batang lalaki na magkaroon ng buhay na walang hanggan. Pero ayaw niyang sumunod sa Dios at paniwalaan ang mga salita Niya.
Nais ng Dios na sumunod tayo sa Kanya. Palagi Niya tayong inaanyayahang isuko ang ating buhay, magtiwala at sumunod sa Dios (Tal. 21).