Ilang taon ang nakalipas nang may nakita kaming woodpecker sa labas ng bahay namin. Ang woodpecker ay isang uri ng ibon na ginagamit ang tuka nila para makagawa ng butas sa mga sanga ng puno. Akala namin ay hanggang labas lang ng bahay namin ito makikita at hindi magdudulot ng problema sa amin. Pero minsan, nang umakyat kami sa attic ng bahay namin, nagulat kami nang may lumipad na woodpecker sa loob ng aming bahay. Sa loob ng bahay na pala namin nakatira ang mga ito. Nagdulot ito ng problema sa amin.
Mababasa naman natin sa Biblia kung paanong umaasa ang mga Israelita na si Jesus ang makakalutas ng mga problema nila mula sa pagmamalupit ng mga Romano. Nang dumating si Jesus sa Jerusalem, sumisigaw ang mga Judio, “Purihin ang Anak ni David! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!” (Mateo 21:9).
Ito ang pinakahinihintay nilang sandali; ang pagdating ng Hari na pinili ng Dios. Kung ang pinili ng Dios na Tagapagligtas ay ang dapat magbabago ng buhay nila, hindi ba dapat na magsimula Siyang ituwid ang mga mali nilang gawain? Pero sa halos lahat ng mga isinulat sa unang apat na Aklat sa Bagong Tipan ng Biblia, ang pagdating ni Jesus sa Jerusalem ay sinundan ng pagpapalayas ni Jesus sa mga taong ginawang palengke ang templo (Tal. 12 -13). Nilinis ni Jesus ang loob at labas ng templo.
Ganito rin ang nangyari sa atin nang pagtiwalaan natin si Jesus bilang Hari. Inaayos Niya ang lahat at nagsisimula Siya sa mga buhay natin. Nagdadala Siya ng kapayapaan sa mga puso natin. At nais Niya rin na tayo ay palaging sumunod sa Kanya.