Makalipas ang dalawampung taon, nakilala ni John McCarthy ang taong naging tagapamagitan para mapalaya siya sa kanyang pagiging bihag sa bansang Lebanon. Taos-pusong nagpasalamat si McCarthy kay Giandomenico Picco na mula sa U.N. Inilagay kasi ni Picco ang kanyang buhay sa panganib para mapalaya si McCarthy at ang iba pang bihag noon.
Nakaranas din naman tayong mga nagtitiwala kay Jesus ng kalayaan. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay nang namatay Siya sa krus para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Pinalaya Niya tayo mula sa pagkakaalipin sa kasalanan. Sinabi naman ni Apostol Pablo, “pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan” (Gal. 5:1).
Binanggit din ni Apostol Juan ang tungkol sa pagpapalaya ni Jesus sa kasalanan natin. “Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo” (Juan 8:36). Saan tayo pinalaya ni Jesus? Hindi Niya lang tayo pinalaya sa kasalanan natin. Pinalaya rin Niya tayo sa kahihiyan, pag-aalala, mga maling katuruan, at kaparusahan sa kasalanan. Dahil pinalaya na Niya tayo, makakaya nating magpakita ng kabutihan, pagmamahal, at pag-asa sa kapwa natin. Dahil sa kabutihan ng Dios, kaya rin nating patawarin ang iba sa mga pagkakasala nila sa atin.
Pasalamatan natin ang Panginoon na nagkaloob sa atin ng kalayaan mula sa mga kasalanan natin. Ipadama at ipakita rin natin ang pagmamahal na ito sa iba.