May isang tindahang malapit sa tirahan ko na may berdeng pindutan sa isa sa mga bahagi nito. Kung walang taong tutulong sa mamimili, maaari mong pindutin ang pindutan at magsisimula ang pagbilang ng oras. Kung hindi naibigay ang nais mong bilhin sa loob ng isang minuto, makakakuha ka ng diskuwento sa nais mong bilhin.
Kung tayo ang mamimili, tunay na nakakatuwa ang ganitong mabilis na serbisyo. Pero isang malaking hamon ito para sa mga taong nagtitinda at naghahatid ng mga bilihin. Tila halos lahat ng bagay sa buhay natin ay pinapabilis. Palagi tayong nagmamadali sa mga trabaho natin. Nakakadama tayo ng matinding pag-aalala pag hindi natin naabot na maipasa sa tamang oras ang mga gawain natin. Naging kasama na ng buhay natin ang pagmamadali at pagiging mabilis sa lahat.
Sa Biblia naman, sinabi ng Dios sa mga Israelita na igalang ang araw ng Sabbath. Sinabi ng Dios, “Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto” (Deuteronomio 5:15). Alipin ang mga Israelita ng mga taga-Egipto sa loob ng mahabang panahon. Walang tigil silang nagtatrabaho para sa Faraon (Exodus 5:6-9). Nang mapalaya sila, pinagkalooban sila ng Dios ng isang araw sa loob ng isang linggo para makapagpahinga, magpuri sa Kanya, at huwag magmadali sa mga gawain (Deuteronomio 5:14).
Madalas naman tayong nagmamadali. Agad ding nauubos ang ating pasensya sa mga tao dahil hindi natin nakukuha ang gusto natin. Matuto nawa tayong maging mapagpasensya at magtiwala sa Panginoon.