Naninirahan si Andrew sa isang bansang hindi tinatanggap ang salita ng Dios. Minsan, tinanong ko si Andrew kung paano niya naitatago sa iba ang kanyang pananampalataya. Pero sumagot siya na hindi niya itinatago ang kanyang pagmamahal sa Dios. Isinusuot ni Andrew ang isang kwintas na nagpapakilala ng grupo ng mga nagtitiwala sa Dios na kinabibi-langan niya. Sa tuwing aarestuhin siya dahil sa pananampalataya niya, ipinapakilala pa rin ni Andrew si Jesus sa kanila.
Matapang na ipinapahayag ni Andrew ang dakilang ginawa ni Jesus dahil alam niyang kasama niya palagi ang Dios.
Ganito rin naman si Propeta Elias na binanggit sa Biblia. Hindi siya natatakot sa hari ng Israel kahit pa nagpadala ito ng limampung sundalo para arestuhin siya (2 Hari 1:9). Alam ng propeta na kasama niya ang Dios kaya matapang siya. Nanalangin si Elias sa Dios. Tinupok ng apoy ang mga sundalo. Muling nagpadala ang hari ng mas maraming sundalo. Ganun muli ang ginawa ni Elias (Tal. 12 ). Nagpadala muli ng isa pang pulutong ng sundalo ang hari. Nang malaman ng ikatlong pulutong ang nangyari sa iba, nagmakaawa sila kay Elias na huwag silang patayin. Takot na takot sila sa maaaring gawin ni Elias sa kanila. Kaya, sinabi ng anghel ng Dios kay Elias na ligtas na sumama siya sa kanila (Tal. 13-15).
Hindi nais ng Dios na gantihan at kalabanin ang ating mga kaaway. Nais Niyang mahalin natin ang ating kapwa. Nais din ng Dios na tulad ni Elias, magkaroon tayo ng tapang para ipahayag ang Dios sa iba. Ang Panginoon ang magkakaloob sa atin ng lakas ng loob para ipahayag ang kabutihan at pag-ibig Niya sa iba.