May isang sikat na restawran sa Bangkok na naghahain ng sabaw na nailuto na sa loob ng apatnapu’t limang taon. Bawat araw ay iniinit at pinapasarap ang sabaw na ito. Habang tumatagal, lalong sumasarap at nagiging malasa ang sabaw. Ilang beses nang nanalo ang restawran na ito dahil sa masarap na sabaw na ito.
Minsan, kailangan naman talagang maghintay upang makamit ang mabubuting bagay. Pero, likas sa tao ang mainip kaya nahihirapan tayong maghintay. Ilang beses naman nating mababasa sa Biblia ang tanong na “Hanggang kailan?” Ang isang halimbawa nito ay ang sinabi ni Propeta Habakuk kung saan tinanong niya ang Dios ng, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa Inyo bago N’yo ako dinggin?” (Habakuk 1:2). Ipinahayag ni Habakuk ang tungkol sa paghatol ng Dios sa bansang Israel. Sinakop ng Babilonia ang Israel at tinanong ni Habakuk ang Dios kung bakit hinayaan Niya ang pagmamalupit ng mga sumakop sa kanila.
Pero nangako ang Dios na ipagkakaloob Niya ang pag-asa at kapayapaan sa takdang panahon: “Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito... Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon” (2:3). Tumagal nang pitumpung taon ang pananakop ng Babilonia sa Israel. Pero, nanatiling tapat ang Dios sa Kanyang pangako.
Minsan, matagal ang paghihintay sa pagtugon ng Dios sa ating idinadalangin. Pero kahit na matagal ang ating paghihintay, patuloy lamang tayong magtiwala sa Dios. Inihahanda Niya ang lahat ng bagay sa tamang panahon.