Isang bata ang nasasabik magbukas ng regalo. Inaasahan niya na bagong bisikleta ang kanyang matatanggap. Pero isang diksyunaryo ang natanggap niya. Sa unang pahina ng diksyunaryo ay nakasulat ang mga salitang ito: “Para kay Chuck, mula kina Nanay at Tatay. Patuloy kang mag-aral nang mabuti.”

Nag-aral nga nang mabuti si Chuck sa mga sumunod na taon. Nakapagtapos siya ng kolehiyo at naging isang piloto. Tinupad niya rin ang kanyang pagnanais na makatulong sa iba at maipahayag ang tungkol kay Jesus sa kanila. Makalipas ang animnapung taon, ipinakita ni Chuck sa kanyang mga apo ang itinago niyang regalong diksyunaryo ng kanyang mga magulang. Pinapahalagahan niya ang diksyunaryong ito dahil para sa kanya ay simbolo ito ng pagmamahal ng kanyang mga magulang. Lubos din ang pasasalamat niya sa kanyang mga magulang dahil tinuruan siya ng mga ito ng tungkol sa Dios at sa Biblia.

Mababasa naman natin sa Deuteronomio 11 ang kahalagahan ng pagpapahayag ng Salita ng Dios sa ating mga anak: “Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayo’y babangon” (Tal. 19).

Para kay Chuck, ang pananampalatayang itinuro ng kanyang mga magulang noong bata pa siya ay naging dahilan upang magkaroon siya ng pagnanais na maglingkod kay Jesus. Sa tulong din naman ng Dios ay maaari tayong makaimpluwensiya ng iba upang magtiwala sila sa Dios at tumibay din ang kanilang buhay espirituwal.