Isa sa mga dakilang bayani ng bansang Amerika si Harriet Tubman. Nang makalaya siya sa pagkakaalipin, tinulungan niya ang tatlong daang iba pang alipin upang makalaya rin. Halos labinsiyam na beses siyang nagpabalik-balik sa mga lugar kung saan inaalipin ang kanyang mga kaibigan at mga kapamilya. Hindi lamang sarili niyang kapakanan ang inisip niya. Tinulungan niya rin ang iba na makalaya sa pagkakaalipin.
Ano ang nagtulak kay Tubman sa katapangan niyang iyon? Malalim kasi ang pananampalataya niya sa Dios. Sinabi niya, “Lagi kong sinasabi sa Dios na kakapit ako sa Kanya at alam kong hindi Niya ako bibitiwan.” Nagtagumpay siyang mapalaya sa pagkakaalipin ang iba dahil umasa siya sa tulong na nanggagaling sa Dios.
May talata sa aklat ng Isaias na nagsasabi na ang Dios ang nagpapalakas sa atin at Siya ang humahawak sa ating kamay. Sinabi ng Dios, “Ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan Kita” (41:13).
Nagtiwala si Harriet sa Dios at hindi siya pinabayaan. Ano namang pagsubok ang hinaharap mo sa ngayon? Kumapit ka sa Dios at hindi ka Niya bibitiwan. Huwag kang matakot. Tutulungan ka Niya.