Si Ted ang pinakamatangkad na cheerleader sa kanilang paaralan. Halos anim na talampakan ang taas niya at nasa 118 kilo ang bigat niya. “Big Blue” ang tawag sa kanya dahil sa malakas na pagsigaw niya ng “Blue” na kulay ng kanilang paaralan.
Minsan na ring nalulong sa pag-inom ng alak si Ted. Pero hindi ang pagiging cheerleader at pagkalulong niya kaya siya naaalala ng mga tao. Sa halip, maaalala siya dahil sa kanyang pagmamahal sa Dios at sa kanyang pamilya. Maaalala rin siya sa kanyang kabaitan at pagiging mapagbigay. Nagkasakit si Ted at pumanaw. Kaya naman, nang alalahanin ang kanyang buhay, maraming tao ang nagpatunay kung paano binago ni Cristo ang kanyang buhay.
Mababasa naman natin sa Efeso 5:8 ang paalala ni Apostol Pablo sa mga sumasampalataya kay Jesus na sila ay dating namumuhay sa kadiliman “pero ngayon ay naliwanagan na [sila] dahil [sila] ay nasa Panginoon na.” Kaya, dapat nilang ipakita sa kanilang buhay na naliwanagan na sila.
Ganito rin naman ang nais iparating ni Jesus sa bawat taong nananampalataya sa Kanya. Dapat ay hindi tayo makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman (Tingnan ang tal. 3-4, 11). Makita nawa ng mga tao sa ating paligid ang kaningningan ng ating bagong buhay dahil kay Cristo (Tal. 14).