Aksidenteng naibagsak ng aming pastor ang kanyang cellphone kaya nasira ito. Nang pumunta siya sa pagawaan ng cellphone, inihanda na niya ang sarili niya na hindi na maibabalik pa ang files na nakalagay sa kanyang cellphone. Pero nagawa ang kanyang cellphone at naibalik pa ang videos at larawan na dating nakalagay rito. Binigyan din siya doon ng bagong cellphone.
Pinangunahan naman ni Haring David ang kanyang mga tauhan upang maibalik ang lahat ng kinuha sa kanila nang lusubin sila ng mga Amalekita. Nilusob kasi at sinunog ng mga Amalekita ang bayan ng Ziklag at “Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao dito, bata man o matanda” (1 Samuel 30:2-3). “Kaya si David at ang mga tauhan niya ay umiyak nang husto hanggang maubusan sila ng lakas dahil sa pag-iyak” (Tal. 4). Dahil sa sama ng loob, balak batuhin si David ng kanyang mga tauhan (Tal. 6).
“Pero pinalakas [si David] ng Panginoon na kanyang Dios” (Tal. 6). Sa tulong ng Dios, “Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita... Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o kahit ano sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito” (Tal. 18 -19).
Gaya ni David, kung may mga pagsubok man tayo na hinaharap sa kasalukuyan at nawawalan na tayo ng pag-asa, nawa ay makasumpong tayo ng kalakasang nagmumula sa Dios. Kasama natin Siya sa bawat pagsubok ng ating buhay.