Nagbabala sa balita na may paparating na bagyo. Susunduin pa naman namin noon ang aking anak sa paliparan. Kaya, naghanda na lamang kaming mabuti sa pagsundo sa kanya. Nagdala kami ng mga damit at tubig sakaling magkaproblema sa daan. Mabagal din kaming nagpatakbo ng sasakyan at walang tigil na nanalangin sa aming biyahe. Nagtiwala na lang din kami sa harapang ilaw ng aming sasakyan dahil madilim ang daan habang papunta kami sa paliparan.
Nagbabala rin naman si Jesus na may tila bagyo na haharapin ang Kanyang mga alagad. Ito ay ang Kanyang kamatayan sa krus (Juan 12: 31-33) at masusubok ang Kanilang pananampalataya at paglilingkod sa Kanya (Tal. 26).
Magiging mahirap ang kanilang buhay. Ano ang sinabi sa kanila ni Jesus na dapat nilang gawin kapag nangyari ito? Magtiwala sa Kanya na Siyang Ilaw (Tal. 36). Iyon lamang ang tanging paraan upang manatili silang tapat sa paglilingkod sa Kanya.
Sandaling panahon na lamang nilang makakasama si Jesus. Pero, ang mga nagtitiwala kay Jesus ay pinagkalooban ng Banal na Espiritu na Siyang gagabay sa kanila. Tayo rin naman ay makakaranas ng mga mahihirap na pagsubok na tila mawawalan na tayo ng pag-asa. Pero makakapagpatuloy tayo sa ating buhay sa pamamagitan ng pagtitiwala natin kay Jesus na siyang ating Ilaw.