Ang pelikulang Hachi: A Dog’s Tale ay tungkol sa isang propesor at sa alaga niyang aso. Ipinakita ng asong si Hachi ang katapatan niya sa kanyang amo sa pamamagitan nang paghihintay rito sa istasyon ng tren tuwing umuuwi ito galing trabaho. Isang araw, nastroke at namatay ang propesor habang nasa trabaho ito. Naghintay pa rin si Hachi sa istasyon ng tren dahil umaasa siyang dadating ang kanyang amo. Sa loob ng sampung taon ay lagi pa rin niyang hinihintay ang kanyang amo sa istasyon ng tren.
Sa aklat naman ng Lucas ay mababasa natin ang tungkol kay Simeon na matiyagang naghintay sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel (Lucas 2:25). Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Dios (Tal. 26).
Dahil dito, matiyagang naghintay si Simeon sa pagdating ng Tagapagligtas (Tal. 30). Nang dalhin nina Maria at Jose ang sanggol na si Jesus sa templo, ipinaalam ng Banal na Espiritu kay Simeon na dumating na ang Tagapagligtas. Kinarga ni Simeon ang sanggol na Siyang magbibigay ng pag-asa at kaligtasan sa lahat ng tao (Tal. 28-32).
Kung may mga bagay tayong hinihintay mangyari, maalala nawa natin ang sinabi ni Propeta Isaias, “Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay muling magkakaroon ng lakas. Lilipad sila na gaya ng isang agila. Tumakbo man sila ay hindi mapapagod. Lumakad man sila ay hindi manghihina” (Isaias 40:31). Si Jesus ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at kalakasang kailangan natin bawat araw.