May grupo ng mga manggagawa na nagtatabas ng mga bloke ng yelo at inilalagay nila ito sa isang kuwarto na walang bintana. Napansin ng isa sa mga manggagawa na nawawala ang suot niyang relo. Hinanap nila ang relo sa buong kuwarto pero hindi nila nakita. Nang lumabas sila sa kuwartong iyon, pumasok naman doon ang isang batang lalaki. Paglabas niya ay hawak-hawak na niya ang relong nawawala. Tinanong nila ang batang lalaki kung paano niya nakita ang relo. Sinabi niya, “Umupo lang ako at tumahimik. Maya-maya ay narinig ko na ang mahinang pag-tik-tak ng relo.”
Maraming talata tayong mababasa sa Biblia na nagsasabi ng kahalagan ng pagtahimik at pagpanatag ng loob. Hindi ito nakakagulat dahil minsang nagsalita ang Dios na parang bulong (1 Hari 19:12). Sa dami ng ginagawa natin araw-araw, minsan ay hindi na natin naririnig ang sinasabi sa atin ng Dios. Pero kung titigil tayo sa ating mga ginagawa at maglalaan tayo ng oras upang manalangin at magbasa ng Biblia, malalaman natin ang nais sabihin sa atin ng Dios.
Sinasabi sa atin ng Salmo 37:1-7 na bibigyan tayo ng kalakasan ng Dios at tutulungan Niya tayong patuloy na maging tapat sa Kanya. Pero paano natin ito magagawa kung puro kaguluhan sa ating paligid?
Sinasabi sa talatang 7, “Pumanatag ka sa piling ng Panginoon, at matiyagang maghintay sa gagawin Niya.” Maglaan tayo ng oras sa pananalangin at pagbulayan natin ang Salita ng Dios. Kung gagawin natin ito, maririnig natin ang tinig ng Dios at malalaman natin ang nais Niyang ipagawa sa atin.