Isang taon bago pumanaw ang kaibigan kong si Sharon, pumanaw rin si Melissa na anak ng kaibigan kong si Dave. Aksidente sa kotse ang parehong sanhi ng kanilang pagpanaw. Minsan, napanaginipan ko sina Sharon at Melissa. Masaya silang nagkukuwentuhan habang nagdedekorasyon sila ng isang kuwarto. Sa kuwartong iyon ay may mahabang mesa at gintong mga plato at mga baso. Tinanong ko sila kung puwede ko ba silang tulungang magdekorasyon pero tila hindi nila ako naririnig. Maya-maya sinabi ni Sharon, “Ang pagdiriwang na ito ay kasal ni Melissa.”
Tinanong ko sila, “Sino ang kanyang pakakasalan?” Pero ngumiti lamang sila at hindi sumagot. Naisip ko, “Alam ko na, si Jesus! Si Jesus ang kanyang pakakasalan.” Pagkatapos noon ay nagising na ako.
Dahil sa panaginip na iyon, naalala ko ang masayang pagdiriwang ng mga sumasampalataya kay Jesus sa panahong babalik na Siya. Inilarawan ito sa Pahayag 19:9 na, “handaan sa kasal ng Tupa”. Tinawag naman ni Juan na Tagapagbautismo ang Panginoong Jesus na, “Ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo,” (Juan 1:29). Inilarawan din ni Juan si Jesus bilang “lalaking ikakasal” at inilarawan pa ni Juan tungkol sa kanyang sarili na siya ay “abay na naghihintay” sa lalaking ikakasal (Juan 3:29).
Lubos nating asamin ang pagdating ng panahon na makakasama natin si Jesus at habang buhay tayong magdiriwang na kasama Siya sa langit.