Mahirap magsaka kung walang tubig na mapagkukunan. Ito ang naging problema sa lugar na Somaliland Africa. Kaya naman, para masolusyunan ang problema sa tubig, isang bagong paraan ang ginawa ng Seawater Greenhouse Company upang matulungan ang mga magsasaka sa lugar na iyon at sa iba pang lugar.
Gumawa sila ng tinatawag na “cooling houses” kung saan sinasala ang tubig na nanggagaling sa dagat upang maalis ang asin nito at sariwang tubig ang magamit na pandilig sa mga halaman. Namunga ang mga pananim sa bagong paraan na ito.
Nangako naman sa bansang Israel ang Dios na may bago Siyang gagawin para sa kanila. Matatandaan na iniligtas ng Dios ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio nang hatiin Niya ang Dagat na Pula upang makatawid sila. Nais ng Dios na maalala ng mga Israelita ang Kanyang kabutihan sa kanila noong nakaraan at magkaroon sila ng pag-asa sa kasalukuyan. Sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias na “Bagong bagay na ang gagawin Ko. Ito’y nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa Ako ng daan at mga bukal sa disyerto” (Isaias 43:19).
Makakatulong sa ating pananampalataya kung sasariwain natin ang kabutihang ginawa sa atin ng Dios noong nakaraan. Sa kasalukuyan naman ay maaari tayong lumapit sa Dios upang tulungan tayo at gabayan. Nawa sa patuloy na pagkilos ng Dios sa ating buhay, maging kagamit-gamit din naman ang ating buhay para maabot ang pangangailangan ng ibang taong ilalapit Niya sa atin.