Malamig sa lugar na Alaska at laging may snow dito. Minsan, may nasunog na bahay sa isang liblib na lugar dito. Halos walang natirang gamit at pagkain ang taong nasunugan. Makalipas ang tatlong linggo, nabigyan siya ng saklolo nang may dumaan na eroplano sa kanyang lugar at nakita ang isinulat niya na mga letrang SOS sa snow.
Humingi rin naman ng saklolo si Haring David nang minsang makaranas siya ng matinding pagsubok. Tinutugis siya ni Haring Saul at nais siyang patayin. Kaya, tumakas siya sa lungsod ng Gat at nagkunwaring baliw para lamang hindi siya patayin doon (Tingnan ang 1 Samuel 21). Naisulat ni David ang Salmo 34 dahil sa mga pangyayaring ito. Nanalangin siya sa Panginoon at nakatagpo siya ng kapayapaan (Tal. 4, 6). Sinagot siya ng Panginoon at pinalaya sa lahat ng kanyang takot.
Nasa mahirap na sitwasyon ka rin ba ngayon at kailangan ng saklolo? Magtiwala ka na pinakikinggan at sinasagot ng Panginoon ang ating mga isinasamong dalangin sa Kanya. Pinapawi rin ng Dios ang lahat ng ating takot (Tal. 4) at inililigtas tayo sa “lahat ng mga dinaranas [nating] kahirapan” (Tal. 6).
Sinasabi ng Biblia na “ibigay [natin] sa Panginoon ang [ating] mga alalahanin at aalagaan [Niya tayo]” (Salmo 55:22). Kung ipagkakatiwala natin sa Dios ang ating mga problema, makakaasa tayo na tutulungan Niya tayo. Magiging panatag tayo sa Kanyang mapagpalang mga kamay.