Minsan, nang magbakasyon kami, nakausap namin ang isang babae na matagal nang kilala ang asawa ko kahit noong bata pa siya. Tiningnan niya ang asawa kong si Alan at ang anak kong si Xavier. Sinabi ng babae, “Kamukhang-kamukha niya ang kanyang tatay noong bata pa ito.” Tuwang-tuwa ang babae at sinabi pa na may tila pagkakatulad sila sa pag-uugali. Pero kahit na maraming pagkakatulad ang aking asawa at aming anak, hindi pa rin sila perpektong magkatulad.
Mayroon lamang isang Anak na perpekto ang pagkakatulad sa Kanyang Ama. Siya si Jesus. “Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha” (Colosas 1:15). Sa pamamagitan Niya, at para sa Kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo (Tal. 16). “Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan Niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan” (Tal. 17).
Malalaman natin ang katangian ng Dios Ama kung titingin tayo kay Jesus na Siyang Dios na nagkatawang-tao. Masasaksihan natin ang pag-ibig ng Dios sa pamamagitan ng pagbabasa natin ng Biblia, pananalangin at pagkilos Niya sa ating buhay bawat araw.
Kung tatanggapin natin si Jesus sa ating buhay, ipagkakaloob Niya sa atin ang Banal na Espiritu at mas magiging malalim ang pagtitiwala natin sa ating mapagmahal na Dios Ama. Babaguhin Niya ang ating buhay upang lalong makita ang magagandang katangian ng Dios sa ating buhay. Kaya naman, nakakataba ng puso kung sasabihin ng iba tao na kamukha natin si Jesus dahil namumuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios.