Noong taong 1584, sinadyang pinabaha ni William of Orange ang ilang mga lugar na kanyang nasasakupan. Ginawa niya ang desperadong solusyon na ito para hindi sila masakop ng mga Espanyol. Pero hindi rin naging epektibo ang ginawa niya at nasira pa ang malalawak na mga bukirin. May kasabihan nga na, “Sa mga desperadong panahon, desperadong pamamaraan na rin ang dapat gawin.”

Noong panahon naman ni Propeta Isaias, desperadong paraan na rin ang ginawa ng mga Israelita nang takutin silang lulusubin ng mga taga-Asiria. Giniba ng mga Israelita ang ilang bahay para gamitin ang mga bato sa pag-aayos ng nagibang pader ng lungsod. Gumawa rin sila ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader.

Pero nakalimutan nilang gawin ang pinakamahalagang hakbang sa lahat. Sinabi ng Dios, “Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at ito’y pinuno ninyo ng tubig mula sa dating imbakan. Pero hindi ninyo naisip ang Dios na Siyang nagplano nito noong una pa at niloob Niya na mangyari ito” (Isaias 22:11).

Ganoon din naman, may kanya-kanya tayong pagsubok na hinaharap sa ating buhay. Mabuti na lamang at ang unang hakbang na maaari nating gawin ay ang lumapit sa Dios at humingi ng tulong sa Kanya. Tinitingnan ba natin ang bawat pagsubok na dumarating sa ating buhay na pagkakataon upang lumapit sa Dios? O tayo ang gumagawa ng mga desperadong paraan upang masolusyunan ang ating mga problema?