Isang dating mang-aawit si Nancy Gustafson. Minsan, nang dalawin ni Nancy ang kanyang ina na maysakit na dementia, lubha siyang nalungkot nang mapansin niyang lumala na ang pagiging ulyanin nito. Hindi na nagsasalita ang kanyang ina at pati siya ay hindi na nito nakikilala. Naisip ni Nancy na awitan ang kanyang ina nang muli niya itong dalawin. Natuwa ang kanyang ina at umawit din ito. Ayon sa mga pag-aaral ng mga doktor, malaki ang naitutulong ng musika upang maibalik ang mga alaala. Nakakatulong ang musika sa mga matatandang nag-uulyanin upang muli silang maging masigla at malakas.
Mababasa naman natin sa Biblia na isang regalo mula sa Dios ang kagalakang nadarama natin tuwing tayo ay umaawit. Sinabi sa Salmo 147:1, “Purihin ang Panginoon! Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios. Napakabuti at nararapat lang na Siya ay purihin!”
Maraming talata sa Biblia ang naghihikayat sa atin na umawit ng papuri sa Dios. Kabilang dito ang nakasulat sa Isaias 12:5, “Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang Kanyang mga ginawa.” Nariyan din ang mababasa natin sa Salmo 40:3, “Tinuruan niya ako ng bagong awit, ang awit ng pagpupuri sa ating Dios. Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios, at sila’y magtitiwala sa Kanya” (Salmo 40:3).
Ang pag-awit ay nakakapagbigay inspirasyon sa atin at maging sa mga taong makakapakinig sa atin. Alalahanin natin lagi na dakila ang ating Dios at karapat-dapat Siyang awitan ng papuri.