May mga tanong sa aklat ni C.S. Lewis na Mere Christianity na maaari nating itanong sa ating mga sarili upang malaman natin kung mayabang ba tayo: “Gaano ko kagusto na pinapansin ako ng ibang tao? Nais ko bang pinupuri ako ng ibang tao?” Ayon kay Lewis, ang kayabangan ang pinakamasamang katangian sa lahat. Ito ang pinakadahilan ng pagkasira ng mga tahanan at mga bansa. Tinawag niya itong “kanser sa buhay espirituwal” na nagpapalubha kung bakit hindi natin kayang magmahal, makuntento sa buhay at makapag-isip nang tama.
Malaking problema talaga ang kayabangan kahit noon pa man. Sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel, binalaan ng Dios ang hari ng Tyre dahil sa kanyang kayabangan. Sinabi ng Dios na ang kayabangan ng haring ito ang magiging dahilan ng kanyang pagbagsak: “Dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, ipapalusob kita sa mga dayuhan” (Ezekiel 28:6-7). Kapag nangyari ang lahat ng ito, malalaman ng hari na tao lamang siya at hindi dios (Tal. 9).
Ang kabaligtaran naman ng kayabangan ay kapakumbabaan. Para kay Lewis, natututunan nating maging mapagpakumbaba kung makikilala natin ang Dios. Ayon pa sa kanya, sa tuwing lumalapit tayo sa Dios nagiging magaan sa ating loob na maging mapagpakumbaba. Nawawala na rin ang pag-aasam natin pansinin tayo at purihin ng ibang tao.
Sa tuwing pinupuri natin ang Dios, mas makikilala natin Siya at mas magiging mapagpakumbaba tayo sa Kanyang harapan. Matuto nawa tayong maglingkod nang may kagalakan at kapakumbabaan.