May mga pagkakataon na kapag nakaranas tayo ng matinding kabiguan sa buhay ay iniisip natin na wala nang saysay pa ang mabuhay. Ganito ang naranasan ni Elias na naging isang bilanggo noon sa Amerika. Sinabi niya, “Nang mabilanggo ako, nawalan na ako ng pag-asa sa buhay at sa magiging kinabukasan ko.”
Pero nabago ang buhay ni Elias nang magkaroon siya ng pagkakataon na makapag-aral ng kolehiyo kahit nasa loob siya ng bilangguan. Nakasali rin siya sa paligsahan sa mga mahuhusay sa debate at nanalo pa siya pati ang mga kasamahan niya. Para kay Elias, may pag-asa pa rin sa buhay at hindi pa huli ang lahat.
Nababago rin naman ang ating buhay kung personal nating mararanasan ang pag-ibig ng Dios sa pamamagitan ni Jesus. Naiisip natin na hindi pa huli ang lahat at may magandang plano pa ang Dios sa ating buhay.
Maganda ang ating kinabukasan dahil maaasahan natin ang kagandahang-loob at kapangyarihan ng Dios sa ating buhay (2 Pedro 1:2-3). Mahaharap natin ang ating kinabukaan nang may pag-asa dahil tinawag tayo ng Dios sa pamamagitan ng “kapangyarihan Niya at kabutihan” (Tal. 3). Ipinagkaloob din ng Dios sa atin ang Kanyang mahahalaga at dakilang mga pangako (Tal. 4). May pag-asa din ang ating kinabukasan dahil “makakasama [tayo] sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios” (Roma 8:21).