Noong bata pa ang tagapagturo ng Biblia na si Bruce Ware, nalungkot siya nang mabasa niya ang 1 Pedro 2:21-23. Sinasabi kasi ng mga talatang ito na dapat nating tularan si Jesus. Isinulat niya sa kanyang aklat na The Man Christ Jesus kung gaano kahirap tularan si Jesus. Sinabi niya, “Napakahirap ng sinasabi ng talatang ito lalo na kung tutularan natin ang isang Taong hindi nagkasala. Hindi ko lubos maisip na nais ng Dios na seryosohin natin ito.”
Nauunawaan ko si Ware kung paano naging isang hamon para sa kanya ang talatang ito sa Biblia. May isang awitin nga na nagsasabi, “Tularan natin si Jesus, tularan natin si Jesus. Ang pinakaninanais ko ay ang maging katulad Niya.” Pero sinabi rin ni Ware na hindi natin lubos na magiging katulad si Jesus. Hindi natin kailanman magiging katulad si Jesus sa sarili nating kakayahan at kalakasan.
Pero hindi tayo nag-iisa. Ipinagkaloob ang Banal na Espiritu sa bawat anak ng Dios upang makita sa buhay natin si Cristo (Galacia 4:19). Sinabi rin ni Apostol Pablo sa Roma 8:29, “Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang Kanyang magiging mga anak. At sila’y itinalaga Niyang matulad sa Kanyang Anak na si Jesus.” Patuloy naman na kikilos ang Dios sa ating buhay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nasa mga taong nagtitiwala kay Jesus.
Kung mananangan tayo sa pagkilos ng Banal na Espiritu, lalo tayong magkakaroon ng mga katangian ng katulad ng kay Jesus na siyang ninanais ng Dios para sa atin.